sa ibang katawan by Lean Borlongan


sa ibang katawan
Title : sa ibang katawan
Author :
Rating :
ISBN : 9719273453
ISBN-10 : 9789719273455
Language : Filipino; Pilipino
Format Type : Paperback
Number of Pages : 46
Publication : First published January 1, 2019

Lumilipat sa ibang yugto ng pagtula si Borlongan sa bago niyang koleksiyon. Buong giting niyang nililingon ang batayan ng mga dating hindi pag-imik at ngayon isinasakatawan sa mabubulas na salita ang mga kinimkim na kamalayan at damdamin ukol sa di-makaunawang kapuwa. Tumutulay sa talinghaga at walang gatol na paghahayag ang pagnanais na lagumin ang danas sa mga mata ng pagmamahal. Narito sa malayang berso at malayang pananaw-sa-daigdig ang rubdob na walang pingas ni pag-aalangan.

-Joey Baquiran
Guro at manunulat

Aaminin kong magiging isa sa aking mga inspirasyon ang autobiografikal at confessional na estilo, ang Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan. Ang ikalawang koleksiyon ng mga tula ni Borlongan ay walang pag-aangkin sa mga itinakdang katotohanan at kapalaran kundi ang tanging paglalahad lamang sa realidad ng buhay. Patutunayang ang bawat kataga, taludtod ay di sadyang nakagapos sa wika at pananalinghaga kundi sa malayang paghuhulagway sa sariling imahen. At hindi lamang pagnanaratibo na parang nakatunghay sa isang nakakuwadrong retrato upang siyasatin ang depekto, ang lamat, ang diperensya, ang kakulangan, ang mga hindi kaaya-aya sa ating paningin. Isa itong pangungumpisal ng pagtatasa sa sarili at pagsandig sa pag-iisa upang matunton ang pag-unawa sa kalagayan ng sarili at sa palibot. Ito ang matulaing pagkatay sa pagbubuo ng personal na karanasan at kapalaran tungo sa pagsalat sa ating mga sariling sugat at paghipo sa mga bagay na di maipaliwanag ng ating mga puso.

-Stefani J Alvarez
OFW at awtor ng Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga

Isang sipat sa daigdig ng may kapansanan ang handog sa atin ni Lean: mga karanasan, mula pagkabata, ng pakikihamok sa isang lipunang hindi handa para sa mga tulad niyang naiiba. Sa kanyang panulat, dama ang hinanakit sa lipunang nagtanggi at patuloy na nagtatanggi sa kanya ng mga bagay na inaasam. Heto’t walang pag-iimbot siyang nagbubukas ng sarili, nagbabahagi ng mga alaala masaya man o hindi (madalas ay ang huli), ibinubunyag na gaya ng lahat, nakadaramdam din siya ng takot, pangamba, pagkasabik, galit, tuwa, lungkot, libog.

Malinaw ang kanyang giit: “Ituring ninyo akong kapatas ngayon.” Kitang ang kanyang pambihirang kamalayan sa sarili ay nalangkapan ng kamulatan bilang bahagi ng kilusang pagbabago. Batid niyang bukod sa mga kaapihang dulot ng kapansanan, marami pang di pagkakapantay-pantay na umiiral sa mundo. At pursigido siyang mag-ambag upang baguhin ang ‘kaayusang’ ito.

-Meg Yarcia
Manunulat


sa ibang katawan Reviews


  • Meeko

    “Hindi ito libro ng pagtanggap o paghilom. Ito’y pagkilala at muling pagpapakilala,” wika ni Rex Nepomuceno sa isinulat na Introduksyon.

    Ito ang unang libro ni Lean Borlongan na nabasa ko at tila wasto lamang at napapanahon dahil ang mga tula ay awtobiograpikal sa tunay na buhay ng may-akda. Mga tulang pumapaksa sa kapansanang mayroon si Borlongan mula nang pagsilang hanggang sa pagtanda, kasama na ang mga sakit na dulot ng pagkutya, pagkabigo sa pag-ibig, at sariling laban sa pagtanggap sa sarili.

    Tila hindi akmang sabihin na “matapang” si Borlongan sa pagsulat ang mga tulang inilahad niya sa koleksyong ito dahil ang pagtingin sa kanya nang may katapangan ay tila kabawasan at kapinsalaan sa kakayahan niyang magsulat:

    Dahil sa wari ko
    pagbubunyag ng sariling
    kahinaan ang bawat pananalita.

    Hindi awa ang nais ipabatid kung hindi pagpapakilala sa sarili gamit ang angking husay sa pagsulat. Sa bawat tula, hinihubadan ni Borlongan ang sarili na at hinahayaan ang mga mambabasang silipin ang mga karanasang napagdaanan at nang sa gayon ay mas makilala siyang tunay, kasama ang lahat ng sakit at siphayong dala-dala niya hanggang ngayon.

    Maaaninag din ang pagdadalawang isip niya sa pagkamanunulat. May pagtatakang tanong kung ang pagsulat nga ba ay tila isang paglaya o pananatili lamang sa kakayahang magsulat:

    Gusto ko bang magsulat
    o ito lamang
    ang kaya kong gawin?

    Ngunit sa mga susunod na tula, nasagot itong tila may kaginhawahang natatamasa dulot ng kapangyarihan ng mga salita:

    Payapa ang diwa
    sa pahina. Sa hugis ng tula
    nabubura ang aking itsura.
    Kinakausap ako
    ng mga mambabasa
    kahit panandali
    nang may buong katawan.

    Binago ni Borlongan ang pananaw ng mga mambabasa tungkol sa kapansanan sa librong ito. Sa kabila ng maraming kutya, awa, sakit, at kabiguan, buo ang hangarin at pagmamahal sa pagtula at sa salita. Hindi naging kabawasan o hadlang kailanman na gawin ang gusto at adhika. Makapangyarihan ang huling saknong sa huling tula sa pagtatapos ng libro at iniiwanan niya tayo ng pagpapahayag at katotohanang dapat ay alam na ng bawat isa:

    Ang kapansanan
    ay bahagi ko lamang.
    Hindi ang aking kabuuan.

    ——

    Excited na akong basahin pa ang ibang aklat ni Lean Borlongan. Maganda at malalim ang pagkakahabi ng mga salita.

  • Miguel

    “Ang kapansanan
    ay bahagi ko lamang
    Hindi ang aking kabuuan.”
    - Hanggang Paniwalaan

    That, Pay CR, and Telebisyon are some stand-outs for me in this short collection of poems—poems that grab your heart and make it unlearn everything it thought it knew about empathy, about inequality. It’s deeply personal and often it feels like reading someone’s secret diary. But I imagine they wanted anyone to open it up and see these bottled-up emotions that no one truly cares to understand—at least beyond surface-level sympathy.

    Glad I picked this one up on a whim.

  • Gigi

    Ang sakit basahin ng librong ito pero at the same time nakakabilib ang tapang ni Lean. Tapang sa pagbabalik-tanaw at pagiging honest at vulnerable sa kanyang mga saloobin at masasakit na karanasan bilang isang pwd. Binubuksan niya ang kanyang "katawan" sa publikong madalas ay hindi siya maintindihan. Pati mga medical records ay ibinahagi niya dito. Ang ganda ng quote na ito

    "Ang kapansanan
    ay ang masiraan ng loob
    na araw-araw binubuo
    at araw-araw ring gumuguho."

    Ramdam ang magkakahalong galit, pride, guilt, panghihinayang at lungkot sa bawat tula. Naging standout sa akin ang "Sa Pagtula II" dahil sa positibong mensahe nito na dahil sa pagsusulat, nagiging malaya siya mula sa kanyang pisikal na katawan kahit saglit lang.

    Nung binili ko ang book na ito sa Shopee (hindi ko na mahanap yung shop niya ngayon, sad) nanghingi ako ng autograph. Sabi niya, "Sana'y magawa ring ilahad ang sariling mga sugat". :)

  • Christian Renzi

    Ganda. (Sana may magdagdag din ng Pasakalye rito sa Goodreads!)

  • Neil (or bleed)

    Hindi ako magaling magreview ng mga poetry books pero nagustuhan ko talaga ito. Courageous and meaningful!

  • Nekochimachan (⁠。⁠•̀⁠ᴗ⁠-⁠)⁠✧

    I love how the author express his feelings with blunt seriousness regarding his condition and it shows some evidence of his confinement in an institution to recuperate. Each pages are meaningful and a little bit of
    a rhyming pattern that can give you a lot of things to think of. I wish I have other books of his and it's a good read especially Sanaglit.

  • Emmzxiee

    Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan


    Una sa 3 libro na nabasa ko galing kay Lean Borlongan.

    Dito sa librong ito grabe ang husay ng may-akda. Katulad ng Sansaglit, tumatagos sa puso ang bawat titik at kataga. Kakaiba ang bitaw ng mga salita na parang lumalatay sa iyong puso.

    Naramdaman ko ang kirot at hapdi na nais ipahiwatig ng makata. Walang syang takot na nilahad at inihain ang sarili hindi para kaawaan ngunit maging simbolo, maging isang inspirasyon.
    Malinis. Magaling at madadala ka ng mga tugma at kataga.

    Pinag isipan bawat litanya at bitaw ng salita na bumubuo ng mala dramatiko at diskriptibong paglalahad.

    Dumaan sa punto na nangingilid na ang aking luha at pilit na pinipigilan sapagkat maling ito'y basahin sa pampublikong sasakyan.

    Sa paglalahat, deserve ng librong ito ng 5 star na rating!